Camp BGen Efigenio C Navarro, Calapan City, Oriental Mindoro- Limang regular na kasapi ng Communist Terrorist Group (o teroristang CPP/NPA) ang sumuko sa tropa ng Regional Intelligence Unit MIMAROPA bunga ng magkakasabay na mga operasyon iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Rehiyon ng MIMAROPA (na kinabibilangan ng mga Lalawigan ng Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon at Palawan gayundin ang mga Lungsod ng Puerto Princesa at Calapan) noong ika-6 ng Enero 2022 na bahagi ng Simultaneous Anti-Criminality and Counterinsurgency Law Enforcement Operations (SACCLEO).

Ang mga sumukong kasapi ng CTG ay kinilalang sina: Alyas Ka Abdul/Dino/Al/Diego/Bangin at Alyas Ka Jayson/Wangyu/Huk (kasama sa listahan ng Periodic Status Report) at Alyas Ka RR (Non-PSR Listed) na pawang nabibilang sa Bienvenido Vallever Command NPA Palawan ng Kilusang Larangang Girelya (sa bandang hilaga)- Sub-Regional Military Area-4E, Southern Tagalog Regional Party Committee.

Sina Alyas Ka Jomar/Marlo (PSR Listed) at Alyas Ka Langis/Charlie/Gilbert (Non-PSR Listed) naman ay nabibilang nman sa Platoon SERNA, Kilusan ng Larangang Girelya-Mark Anthony Velasco, ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro), Sub-Regional Military Area-4D, Southern Tagalog Regional Party Committee.

Napag-alaman na si Alyas Ka Jomar/Marlo ay isa mga nagsagawa ng operasyon laban sa kawal ng gobyerno sa mga Bayan ng Magsaysay, San Jose and Rizal sa Lalawigan ng Occidental Mindoro at mga Bayan  Bulalacao, Mansalay at Bongabong naman sa Lalawigan ng Oriental Mindoro Oriental Mindoro.

Siya rin ay isa mga responsable sa “ambush” na naganap noong ika 28 ng Mayo 2021 sa Barangay San Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro nadulot ng pagkasawi ng tatlong (3) kawal ng 1st Occidental Mindoro Police Mobile Force Company, at sa pananambang pa rin noong September 20, 2020 sa Sitio Mabaho, Barangay Cabalwa, Mansalay, Oriental na nagbunga ng pagkasugat ng mga miyembro ng 403rdB Mobile Company, Regional Mobile Force Battalion MIMAROPA.

Si Ka Langis/Charlie/Gilbert naman ay umanib sa kilusan ng siya mahikayat ni Ka Ale, Ka Deo and Ka Inog, na nasa ilalim ni Ka Marjun Malucon @Ka Ale/Darius, Platoon Leader of Kilusan ng Larangan Guirella-Mark Anthony Villanueva sa Sitio Gaang, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong siya  ay 12 taong gulang.

Siya rin ay kasama sa mga bakbakan laban sa mga miyembro ng 4th Infantry Batallion ng Philippine Army sa Sitio Panhulugan, Brgy Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong 2018 at sa Sitio Kugon-Tara, Brgy. Panaytayan, Oriental Mindoro noong 2019, at sa pagpapasabog na ikinamatay ng isa sa miyembro ng CAFGU sa Sitio Pinantaw, Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro bilang bahagi ng  “Pamamarusa sa Kaaway na Uri” ng CPP/NPA.

Si Ka RR naman ay nagpaalamang napakaaktibo sa armadong pakikibaka noong Pebrero 2020 hanggang Oktubre 2020 na kumikilos sa mga barangay ng Tanabag, Tagabinet, Sabang at Maoyon, sa Lungsod ng Puerto Princesa, Palawan.

Ang nasabing mga kasapi ay siyang nagsasagawa ng mga pag-atake at pananambang laban sa mga sundalo at kapulisan, at walang habas na kumikitil ng buhay ng mga inosenteng mga katutubo, mga kabataan, mga magsasaka, negosyante, at kanila mismong mga kasapi sa mga Isla ng Palawan at Mindoro.

Ang nasabing pagsuko ay resulta ng pinaigting na pagtutulungan ng mga pinagsanib na pwersa ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pakikipagtulungan ng mga miyembro ng Kapatiran ng mga Dating Rebelde (KADRE) sa Palawan,  at ng National Intelligence Coordinating Agency MIMAROPA.

“Isang malaking tagumpay para sa panig ng pamahaalan ang nangyaring pagsuko ng limang kasapi ng Communist Terrorist Group. Ito’y nagpapakita lamang na nagbubunga na ang mga pagsisikap ng ating pamahalaan na ipamulat sa kanila na walang maidudulot na mabuti para sa kanila, sa kanilang pamilya, at sa bayan ang baluktot na terorismong komunismo sa demokratikong lipunang mayroon tayo sa Pilipinas”, ang pagbibigay-diin ni Police Brigadier General SIDNEY S HERNIA, ang Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA.

Dagdag pa niya:” Nais kong ipaabot ang aking taus-pusong pasasalamat sa lahat ng operating units ng PNP sa pangunguna ng Regional Intelligence Unit MIMAROPA at ng Philippine Marines, Western Command sa kanilang matagumpay na operasyon. Ito ay isa lamang pagpapatunay malapit nang magtagumpay ang gobyerno laban sa teroristang CPP/NPA at nalalapit na ring matamo ng mga mamamayan ang lubusang kalayaan mula sa kuko sa mga pamaminsalang grupong ito”.

Ang nabanggit na mga sumukong miyembro ng CPP/NPA ay sasailalim sa pagsusuri kung sila ay kwalipikado para sa mga benispisyong ipagkakaloob ng pamahalan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). – RPIO PRO MIMAROPA